
Isinagawa ang “Purok Kalusugan” sa North Central Elementary School sa Dagupan City bilang bahagi ng patuloy na programa na maghatid ng serbisyong pangkalusugan nang direkta sa komunidad.
Tinatayang nasa 500 residente ang nabigyan ng iba’t ibang libreng serbisyong medikal at panlipunan. Kabilang dito ang medical at dental check-up, prenatal services, immunization para sa mga sanggol, laboratory services, health education, nutrition services, at mga programang may kinalaman sa kalinisan at sanitasyon.
Nagkaroon din ng mga karagdagang aktibidad tulad ng libreng gupit at pagbibigay ng kaalaman ukol sa road safety upang mas mapalawak ang kamalayan ng mga benepisyaryo hindi lamang sa kalusugan kundi pati sa kaligtasan.
Binigyang-diin sa isinagawang aktibidad ang kahalagahan ng wasto at balanseng nutrisyon bilang pundasyon ng malusog na pangangatawan. Bahagi rin nito ang pamamahagi ng mainit at masustansyang pagkain sa mga dumalo.
Bukod sa mga serbisyong medikal, namahagi rin ng iba’t ibang produktong mapapakinabangan ng mga residente bilang karagdagang suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang naturang aktibidad ay naisakatuparan sa tulong ng iba’t ibang sektor at mga volunteer na nagkaisa upang maihatid ang serbisyong kinakailangan ng komunidad.
Ayon sa mga Pamahalaang Lungsod, magpapatuloy ang “Purok Kalusugan” sa iba pang lugar sa lungsod bilang bahagi ng layuning mapalakas ang kalusugan ng bawat pamilya at mailapit ang mga pangunahing serbisyo sa mas maraming mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










