Purok Lider na Inireklami sa SAP, Bumuwelta

Cauayan City, Isabela- Bumuwelta ang purok leader ng P7, Brgy. District 3 sa Lungsod ng Cauayan sa mga nagrereklamo laban sa kanya.

Nakatakdang magsampa ng mga kasong perjury, paninirang puri at falsification of public documents si Gng. Elvie Aquino, Purok President ng nabanggit na lugar laban kay Analyn Recometa.

Magugunitang unang nagsampa ng reklamo sa City Interior and Local Gov’t at tanggapan ng Sangguniang Panlungsod si Recometa dahil sa di umano’y hindi patas na pagtukoy ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) at iba pang ayuda mula sa pamahalaan.


Kasama din sa reklamo ang sinasabing pagbibigay ng pribelehiyo sa mga kamag anak nila maging ang iba pang staff ng barangay.

Ayon pa kay Recometa, hindi makatarungan na maging ang mga hindi mismo taga Brgy. District 3 ay nakatanggap din samantalang maraming mismong taga lugar nila ang hindi nakatanggap sa kabila na biktima din sila ng pagbaha dahil sa nagdaang bagyong Ulysses.

Lahat ng mga ito ay pinabulaanan ng purok lider.

Ayon kay Aquino, hindi totoong nakatanggap ang mga anak niya bagkus ay isa lang umano sa mga ito ang nakatanggap pero hindi ito taga ibang Barangay.

Nakapangasawa daw ito sa brgy. San Fermin pero botante siya ng District 3 at kumpleto rin sila ng mga dokumento.

Giit pa nito, sinusunod lang nila ang guidelines mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isang benepisaryo lang ang makakatanggap sa bawat bubong o household.

Ayon naman kay Brgy. Kapitan Melchor Meriz, sinisikap niyang kausapin ang kanyang purok lider para huwag nang ituloy ang kaso pero hindi umano niya hawak ang pinal na desisyon nito dahil bahagi ito ng kanyang karapatan.

Facebook Comments