PUROK TANOD, NALUNOD SA CAUAYAN

CAUAYAN CITY- Naulila ang anim na anak ng isang lalaki matapos itong malunod noong ika-7 ng Hulyo sa Cagayan River sa Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Michael Dulanum, 34-anyos, at residente ng Purok 7C-2 Villarta, District 1, Cauayan City, Isabela.

Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team sa anak ng biktima na si Mikaela Dulanum,
inanyayahan na umano ng mga bata ang kanilang ama na umuwi, subalit tumanggi ito at nag paiwan pa. Kalauna’y bumalik ang mga bata ngunit hindi na nila nakita ang kanilang ama, at natagpuan na lamang ang katawan nito alas syete ng gabi.


Aniya, nasa impluwensya ng alak ang kanyang ama nang magtungo ito sa ilog kung saan madalas ito naliligo tuwing nakakainom.

Sinabi pa nito na may mga pagkakataon na nababanggit ng kanyang ama ang mga problema nito sa trabaho, gayunpaman, hindi umano nito naiisip na iwanan ang kanyang mga anak dahil sa pagmamahal nito sa kanila.

Hindi lubos maisip ng mga naulilang anak na ganun na lamang ang sinapit ng kanilang ama, lalo na’t musmos pa lamang sila at nasa ibayong dagat ang kanilang ina na naghahanap-buhay.

Samantala, kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na walang nangyaring foul play sa pagkasawi nito.

Facebook Comments