Manila, Philippines – Hindi sagabal ang pagiging bilanggo upang makapagtapos sa pag-aaral.
Yan ang pinatunayan ng 37 inmates na nagtapos sa ibat-ibang kurso sa Medium Security Compound ng New Bilibid Prisons.
Kabilang dito ang 18 bilanggo na nagtapos ng Bachelor of Science & Entrepreneurship at 19 na inmates na kumuha naman ng Computer Hardware Servicing Course.
Mismong si Bureau of Corrections Chief at dating PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa ang nagbigay ng diploma sa mga nagsipagtapos na inmates.
Nabatid na noong 2017 umabot sa 34 mga bilanggo ang nagtapos sa nabanggit na programa kung saan 17 sa mga ito ay nakalaya na matapos mabuno ang kanilang sentensya sa pagkakakulong at kasalukuyang empleyado sa labas ng Bilibid Compound.
Nasa mahigit 500 inmates na ang napagtapos ng University of Perpetual Help Bilibid Extension School simula noong 1985 na layuning makatulong sa mga nagbagong buhay na bilanggo upang maipagpatuloy ang kanilang buhay sa labas ng kulungan.