Iginiit ni Senator Grace Poe na hindi dapat mapag-iwanan sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ang mga driver ng pampublikong transportasyon.
Paliwanag ni Poe, mahigit isang taon sa ilalim ng lockdown ay hirap pa rin sa pag-ahon ang mga Public Utility Vehicle o PUV drivers.
Ayon kay Poe, napag-iwanan na sa ayuda, kaya sana ay huwag ihuli sa bakuna ang mga PUV drivers na kabilang sa A4 category sa vaccination rollout.
Diin pa ni Poe, critical frontline work ang serbisyong hatid ng mga PUV drivers sa ating mga komunidad.
Binanggit ni Poe na malaking tulong sila sa paghahatid ng mga healthcare workers sa mga ospital, pag-deliver ng mga pagkain, at pagpapatuloy ng operasyon ng mga negosyo.
Sabi ni Poe, kaakibat ng pagbibigay proteksyon sa mga PUV drivers ay ang pagpapatatag din sa sektor ng transportasyon.