Iminungkahi ni Senator Grace Poe sa gobyerno na magbigay ng libreng sakay patungo sa vaccination sites para sa mga senior citizen, person with disability at mga mahihirap.
Ayon kay Poe, ang libreng sakay ay makakatulong na mahikayat ang mas maraming tao na magpabakuna at mapapalawak nito ang vaccine access sa mga komunidad.
Diin pa ni Poe, ang ganitong programa ay hindi lang magbibigay ng free rides sa mga nangangailangang sektor, kung hindi trabaho rin para sa mga drayber na nawalan ng hanapbuhay sa panahon ng pandemya.
Tinukoy ni Poe na may P5.58 bilyong Service Contracting Program ang Department of Transportation sa ilalim ng Bayanihan 2 Law na pwedeng gamiting pondo para sa libreng sakay.
Paliwanag pa ni Poe, ang transportasyon ay isang napakahalagang bahagi na hindi dapat kaligtaan sa gitna ng pagpapatupad ng vaccination program ng pamahalaan.