PUV drivers na nakatanggap ng ₱6,500 fuel subsidy, umabot na sa mahigit 180,000

Umabot na sa mahigit 180,000 na Public Utility Vehicle (PUV) operators ang nakatanggap ng P6,500 na fuel subsidy mula sa pamahalaan.

Layon nitong maibsan ang pasanin ng mga nasa public transport sector sa gitna ng walang prenong taas presyo sa produktong petrolyo.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng subsidiya para sa kabuuang 377,000 kwalipikadong PUV drivers at operators.


Kaugnay nito, umabot na rin sa mahigit isang bilyong piso ang pondong nailabas ng LTFRB hanggang nitong unang araw ng Hunyo.

Samantala, nasa pitong bilyong piso ang pondong inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) para palawigin ang Service Contracting Program (SCP) sa mga apektadong PUV drivers.

Sa ilalim nito, magiging bahagi sila ng libreng sakay na programa ng pamahalaan kung saan makakatanggap ang mga driver ng one time payout na P4,000 at lingguhang sweldo batay sa kilometrong naibiyahe sa kada linggo mayroon man o walnag pasahero.

Sa kabila niyan, maraming PUV drivers ang nagrereklamo dahil sa delay ng paglalabas ng fuel subsidies at ng bayad sa Service Contracting Program.

Ayon sa LTFRB, inaaksiyunan na nila ang mga naturang hinaing para mapabilis ang paglalabas ng pondo.

Ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI), umabot na sa halos 13,000 benepisyaryo na delivery riders ang nakatanggap ng kanilang fuel subsidy.

Facebook Comments