PUV MODERNIZATION | LTFRB, sinagot ang isyu ng PISTON sa franchise consolidation

Manila, Philippines – Ipinagtanggol ni LTFRB Chairman Martin Delgra ang implementasyon ng franchise consolidation sa ilalim ng PUV Modernization Program ng gobyerno.

Ayon sa LTFRB Chief, mas magiging bentahe pa rin ang pagsapi sa transport cooperative kumpara ang pagiging single operator dahil menos gastos na sila sa pagpapatayo ng sariling garahe at makatitipid pa sa maintenance cost ng kanilang mga jeepney units.

Idinagdag ni Delgra na nananatiling abala ang Office of Transport Cooperative (OTC) sa pagtulong sa mga individual operators na bumuo ng kanilang kooperatiba at bigyan sila ng iba pang pagsasanay.


Kasama rin sa itutulong ng gobyerno ang pagbibigay ng special loan programs sa pakikipagtulungan ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) kung saan mas mababa ang interes na babayaran kumpara sa ibang bangko.

Una rito, sinabi ng PISTON na ang implementasyon ng ‘franchise consolidation’ ay bagong paraan at marketing strategy umano ng ahensya upang sa huli ay mapilit ang mga operators na bumuo ng kooperatiba at ma-obligang bumili ng modernong PUJ.

Facebook Comments