PUV Modernization Program, hiniling ng isang senador na suspendihin muna ‘indefinitely’; programa, hindi pa napapanahon

Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pamahalaan na suspindihin ‘indefinitely’ o walang taning ang PUV Modernization Program (PUVMP).

Ayon kay Pimentel, sa ngayon ay hindi pa niya masasabing kailangan ang PUVMP dahil may mga kasalukuyan namang regulasyon tulad sa pagkontrol sa air pollution na siyang problema sa mga lumang jeepneys na dapat ma-execute o maipatupad muna ng pamahalaan.

Payo ng senador na magpreno muna ang gobyerno sa implementasyon ng programa at pansamantalang ipagpaliban ang mga ipinapataw na deadline tulad ng anim na buwan hanggang isang taon.


Giit pa ni Pimentel, habang nakasuspindi rin ang PUVMP ay pagaralan itong mabuti ng Marcos administration lalo’t ang programang ito ay nagmula sa nakaraang administrasyong Duterte.

Aniya, dapat na sigurado ang kasalukuyang pamahalaan na itutuloy ang PUVMP at sinuri muna itong mabuti bago ipatupad dahil anumang kapalpakan ng programa ay sila sa Marcos administration na ang sisisihin.

Kaya naman panawagan ni Pimentel sa pamahalaan na manggaling na mismo sa Ehekutibo ang anunsyo na isuspindi muna ang PUVMP bunsod ng napakaraming problema at napakababa pa ng pagtanggap dito ng mga kabilang sa transport sector.

Facebook Comments