Iminungkahi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na huwag na lamang ituloy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang PUV modernization program.
Ayon kay Pimentel, dapat na pinag-isipang mabuti ang programa hanggang sa pinakamaliit na detalye ng financing plan para dito.
Aniya, kung mas mukhang hindi kakayanin ng mga operators at owner-tsuper ang pagbabayad sa mga bagong units o sasakyan kapalit ng tradisyunal na jeepneys sa pamamagitan ng pamamasada ay mas mabuting huwag nang ituloy ang modernization program.
Giit ni Pimentel, hindi naman ipinanukala at isinakatuparan ang programang ito para bigyan ng dagdag na pasanin o pabigat ang mga drivers ng jeepney higit lalo ang taumbayan.
Puna naman ni Senator Nancy Binay na taun-taon na lang pinag-uusapan ang problema sa PUV modernization program pero nakakalungkot aniya na walang maibigay na kongkretong programa ang pamahalaan para alalayan ang mga madi-displaced na mga tsuper dahil sa nasabing programa.
Dagdag pa rito ang hindi nagagamit na pondo ng PUV modernization ng Department of Transportation (DOTr) at kawalan ng alternatibong industriya o kabuhayan na mag-a-absorb sa mga maaapektuhang transport sector.