Ipinarerepaso ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang PUV Modernization Program kasunod na rin ng ikakasang isang linggong tigil-pasada ng ilang mga transport group.
Ayon kay Escudero, dapat na isailalim sa review ng pamahalaan ang mga nakapaloob sa programa tulad ng phase-out policy, time table, financial package, subsidiya at tulong na maibibigay sa mga apektadong drivers at operators.
Para kay Escudero, ang PUV Modernization Program ay madaliang pinlano at basta-basta lang na ipinatupad dahilan kaya marami ngayong driver at jeepney operators ang umaangal.
Bukod dito, wala rin aniyang iniaalok na safety nets para sa mga apektadong sektor.
Patungkol naman sa tigil-pasada, naniniwala si Escudero na walang magbebenepisyo rito lalo na ang mga driver na arawan ang kitaan sa pagpapasada.
Ilang transport groups na may 40,000 units ang inaasahang makikilahok sa tigil-pasada na ikakasa sa March 6 hanggang 12 sa Metro Manila bilang pagtutol sa PUV Modernization Program.