PUV Modernization Program, pinaparepaso ng isang senador

Manila, Philippines – Iginiit ni Senador Win Gatchalian sa Department of Transportation o DOTr na pag-aralang muli ang Public Utility Vehicle Modernization Program sa gitna ng pagtutol dito ng karamihan sa mga transport groups.

Kinuwestiyon ni Gatchalian ang mabagal na pagpapatupad ng programa simula ng ito ay inilunsad noong 2015 kung saan nasa 4% lamang ang disbursement rate.

Ayon kay Gatchalian, napakaraming reklamo sa programa dahil mahirap sundin ang mga hinihinging mga dokumento pagdating sa isyu ng pangangapital.


Ipinunto pa ni Gatchalian, na masyadong mataas ang interest rates na binibigay ng bangko para sa pag-utang na pambili ng bagong mga pampasadang sasakyan at problema din ang teknolohiyang kailangan para sa cashless payment.

Nilinaw ni Gatchalian na suportado niya ang programa subalit kailangang repasuhin ang estratehiya para ito ay matagumpay na maisakatuparan.

Sa datos mula sa DOTr, ang public utility bus at public utility jeepneys (PUJ) ay tumutugon sa 67% ng demand ng mga mananakay ngunit gumagamit lang ito ng 28% ng espasyo ng kalsada.

Mayroong humigit kumulang 234,739 PUJs sa buong bansa, kung saan halos 90% ay 15 taong gulang pataas na kaya dapat ng palitan.

Facebook Comments