Manila, Philippines – Pinagsusumite ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang Department of Transportation o DOTr ng report ukol sa estado ng implementasyon ng Public Utility Vehicle o PUV Modernization Program.
Katwiran ni Senator Poe, dapat ipaalam ng DOTr sa publiko kung may guidelines na bang nabuo para sa pagpapatupad ng nabanggit na programa.
Ayon kay Poe, ito ay para maibigay sa mamamayan ang tamang impormasyon at maiwasan ang kalituhan lalo pa at tumututol sa nabanggit na programa ang mga jeepney operators at drivers.
Ang pahayag ni Senator Poe ay kasunod ng nakaambang mga kilos protesta ng mga transport groups dahil naman sa pagpapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” program.
Naniniwala kasi ang mga transport groups na ang nabanggit na hakbang ng LTFRB ay may kaugnayan din sa PUV Jeepney Modernization Program.