Manila, Philippines – Inihayag ngayon ng pamahalaan na kailangan pang bumuo ng isang mekanismo para makatulong sa paglaban sa Maute Group ang Moro National Liberation Front o MNLF katuwang ang Armed Forces of the Philippines.
Ito ay sa harap narin ng alok ni MNLF Founding Chairman Nur Misuari kay Pangulong Rodrigo Duterte na tutulong ang kanyang hanay mara masugpo ang teroristang grupong Maute.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla sa briefing sa Malacanang, kailangan pang dumaan sa proseso ang issue na ito dahil kailangang magkaroon ng mekanismo na siyang magiging gabay sa pagpasok ng MNLF sa eksena sa Marawi.
Sinabi ni Padilla, kailangang mailatag ang mga sasaklawin ng tulong na ibibigay ng MNLF para maging malinaw ang lahat.
Paliwanag ni Padilla, magkaiba ang sitwasyon ng MNLF sa Moro Islamic Liberation Front o MILF dahil sa MILF ay mayroong kasunduan para sa peace talks sa gobyerno at mayroon nang mga mekanismo na maaaring gamitin para dito at sa MNLF naman aniya ay wala pa.
Sa katunayan aniya ay may nakabinbin pang kasong rebelyon ang MNLF dahil sa Zamboanga siege.
DZXL558, Deo de Guzman