
Cauayan City – Nagsagawa ng dalawang araw na checkpoints ang Provincial Veterinary Office (PVET) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga hayop at animal products sa Cagayan.
Kabilang dito ang barangay San Vicente, Tuao, at sa mga lugar ng Roma at Divisoria sa Enrile.
Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian IV ng PVET, layon ng operasyon na mabantayan at matiyak ang kaligtasan ng mga hayop na pumapasok at lumalabas ng lalawigan, kabilang ang baboy, manok, kambing, kalabaw, iba pang livestock, pati na rin ang karne at frozen products.
Pinangunahan ni Dr. Wilfredo S. Iquin Jr., Supervising Agriculturist ng PVET, ang masinsinang pagbusisi sa mga kinakailangang dokumento tulad ng Veterinary Health Certificate, shipping permit, blood test results, at mga sertipikong nagpapatunay na walang African Swine Fever (ASF) para sa mga baboy at Avian Influenza para sa mga poultry.
Tiniyak din na ang mga produkto ay hindi nagmula sa mga lugar na apektado ng mga sakit sa hayop.
Dagdag ni Dr. Ponce, may ilang biyahero ng hayop at animal products ang hindi pinayagang makapasok o makalabas ng lalawigan dahil sa kakulangan ng dokumento at pinabalik sa kanilang pinanggalingan.
Ang iba naman ay pansamantalang pinahinto hanggang makumpleto ang mga kinakailangang papeles bago payagang makalagpas sa checkpoints.
Ayon sa ahensya, magpapatuloy at maaari pang madagdagan ang ganitong mga aktibidad sa mga susunod na araw upang masigurong nasusunod ang mga alituntunin sa pagbiyahe ng mga hayop at animal products papasok at palabas ng lalawigan.










