PWD THERAPIST MULA PANGASINAN NAGPAKITA NG HUSAY SA NATIONAL MASSAGE THERAPY CHAMPIONSHIP 2025

Tuwing dumaranas ng pananakit ng likod, unang naiisip ng marami ay magpamasahe. Ngunit sa likod ng bawat haplos ng ginhawa ay isang therapist na may pusong nagsusumikap at naglilingkod.

Patunay si Jan-Ray Paul Dela Cruz, isang DOH-licensed massage therapist mula Obong, Basista, Pangasinan, na nagpakita ng husay sa katatapos na Philippines National Massage Therapy Championship 2025 na ginanap sa Angeles City, Pampanga.

Hindi lamang siya lumahok—nasungkit niya ang prestihiyosong parangal na “Master of Massage” at pasok sa Level 5 Category Finisher. Itinuturing niya na malaking tagumpay ito lalo’t unang sabak niya sa naturang patimpalak.

Sa loob ng labindalawang taon, nagbibigay na ng serbisyo si Dela Cruz sa Blind Massage Therapist Center sa Dagupan City. Sa kabila ng pagiging isang Person with Disability (PWD), buong tapang niyang hinarap ang hamon ng kompetisyon at nakipagsabayan sa mga therapist mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Dela Cruz, magkahalong kaba, saya, at excitement ang kanyang nararamdaman dahil isang malaking karangalan ang mapabilang sa mga pinakamahusay sa larangan ng pagmamasahe at maikumpara sa ibang katunggali.

Sa ngayon mas determinado siyang paghusayin pa ang kanyang kasanayan bilang therapist, at patuloy na maging inspirasyon sa kapwa niyang PWD at mga propesyonal sa larangan ng massage therapy. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments