PWEDENG ITAAS | Pagtaas ng sweldo sa bawat rehiyon, maaaring itaas batay sa inflation rate – DTI

Manila, Philippines – Inihayag ni Trade Secretary Ramon Lopez na maaari paring ikonsidera ng pamahalaan ang pagtataas ng sweldo ng mga manggagawa sa buong bansa pero dapat ay sa tamang halaga lamang na hindi magkakaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya.

Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni Lopez na maaaring magkaroon ng minimal adjustment sa sweldo ng mga mangagaawa at dapat itong ibatay sa naging inflation rate sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.

Pero ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board parin naman ang bahala na mag-takda kung magkano ang idadagdag sa sweldo ng mga mangagawa.


Paliwanag pa ni Lopez, kailangang maging kalkulado ang pagtaas ng sweldo ng mga mangagawa dahil magkakaroon ito ng epekto sa presyo ng mga produkto at ng buong ekonomiya ng bansa.

Kaya naman naniniwala si Lopez na delikado sa ekonomiya ng bansa ang hinihiling na 750 pesos kada araw na minimum wage ng mga militanteng grupo dahil sa matinding negatibong epekto nito sa mga negosyo at sa mga presyo ng bilihin sa buong Pilipinas.

Facebook Comments