Cauayan City, Isabela- Nakikidalamhati ngayon ang buong pwersa ng 5th Infantry Star Division Philippine Army (5th ID, PA) sa mga sundalong bayani na kabilang sa mga namatay dahil sa nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu.
Kabilang sina Staff Sgt. Louie Cuarteros na residente ng Tuao, Cagayan at Staff Sgt. Manuelito Oria, residente ng Santiago City na kapwa kasapi ng 21 st Infantry Battalion sa ilalim ng 11th Infantry Division Philippine Army.
Ayon kay Division Public Affairs Officer Army Major Noriel Tayaban, nagpaabot ang kanilang kampo ng simpatya sa pamilya ng nasawing anim na sundalong miyembro ng 21st IB, PA dahil sa kanilang pagbuwis ng buhay.
Giit ni Tayaban, iuuwi ang bangkay ni Staff Sgt Manuelito Oria sa Lubuagan, Kalinga kung saan ito nakapangasawa.
Kahapon, dumating na ang labi ng isa sa mga sundalong nasawi na si Staff Sgt. Louie Cuarteros na tubong Cagayan matapos lumapag ang sinasakyan nitong eroplano sa Tuguegarao City Airport.
Nalulungkot man ang hanay ng militar sa pagkawala ng mga sundalo matapos maganap ang karahasan na ginawa ng terorista ay nananatili pa rin na mataas ang kanilang moral na ipagpatuloy ang pagtatanggol sa bansa dahil bahagi ito ng kanilang sinumpaang tungkulin.