Cauayan City, Isabela- ‘Kawalan ng suporta’. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy ang paghina ng pwersa ng Communist NPA Terrorist sa kabila ng pananalasa ng pandemyang dulot ng sakit na Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa gitna ng nararanasang krisis sa bansa, patuloy ang pagbabalik loob at pagkasawi ng mga miyembro ng mga teroristang grupo sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kamakailan lang ay ipinag-utos ni Jose Maria Sison, pinuno ng Communist Party of the Philippines o CPP na mula sa pagiging dipensa ay iniatas niya na magiging opensiba na ang sitwasyon ng Communist NPA Terrorist na sinalubong naman ng kanilang malaking kabiguan sa Western Mindanao kung saan dalawampu’t isang (21) matataas na kalibre ng baril ang nasamsam ng tropa ng pamahalaan habang sa parte ng Visayas ay namatay ang ilang kasapi ng NPA fighter samantalang dito sa Lalawigan ng Isabela ay sumuko ang ilang lider ng NPA.
Sa ibinahaging impormasyon ni SSgt. Jake Lopez ng 502nd Infantry Liberator Brigde ng 5th ID, Philippine Army, ayon aniya sa sumuko, kawalan ng suporta sa masa ang isa sa mga pangunahing problema ng kanilang kilusan kung kaya’t sila ngayon ay nagkakawatak-watak na, at dahil din sa hindi maayos na pamamahala ng kanilang mga pinuno.
Ayon kay SSgt Lopez, ang mga kabiguang ito ng CPP/NPA ay nagpapakitang nawawala na sila sa kanilang direksyon at nagdudulot ng kalituhan sa kanilang hanay.
Dahil dito, umaasa aniya ang tropa ng pamahalaan na malapit nang magtagumpay ang masang Pilipino laban sa teroristang grupo at tuluyan nang makamit ang tunay na kapayaan sa buong bansa.
Kaugnay dito, mas pinaigting ngayon ng pamunuan ng 502nd Infantry Brigade sa pamumuno ni BGen Laurence E Mina ang pagbabantay sa nasasakupan laban sa anumang masasamang balak ng mga makakaliwang grupo ngayong nasa ‘new normal’ o General Community Quarantine na ang rehiyon.