Pwersa ng PNP, nakaalerto rin bilang paghahanda sa epekto ng Bagyong Ambo

Naka-full alert na rin ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) para paghandaan ang epekto ng pananalasa ng Bagyong Ambo.

Iniutos na ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa kay Police Major General Emmanuel Licup ng Directorate for Operations na makipag-ugnayan na sa bawat Disaster Risk Reduction Management Councils (DRRMC) para masiguro ang kaligtasan ng mga maapektuhan ng bagyo.

Gagawin ito ng PNP sa kabila ng pagbabantay rin ng kanilang mga tauhan sa mga quarantine control points para labanan ang pagkalat ng COVID-19.


Sinabi ni Gamboa, parehong alerto ang PNP sa pagpapatupad ng health quarantine protocols dahil sa COVID-19 at ganoon din sa pagpasok ng Bagyong Ambo.

Magpapatuloy aniya ang pagsusuot ng mga pulis ng mga minimum health standards gaya ng face shield, face mask, gloves, paggamit ng alcohol at panatilihin ang social distancing.

Batay sa ulat ng PAGASA na bukod sa Eastern Visayas na tumbok ng bagyong Ambo, kasama rin sa mga posibleng daanan nito ang Bicol Region partikular na sa Catanduanes, Albay, Sorsogon at Masbate.

Facebook Comments