PWESTO NG AUTO PARTS MALAPIT SA GASOLINAHAN SA MANAOAG, PANGASINAN, NASUNOG

Nasunog ang isang pwesto na nagbebenta ng piyesa ng sasakyan kagabi, Pebrero 11, sa Barangay Babasit, Manaoag, Pangasinan.

Sa mga larawang ibinahagi ng lokal na pamahalaan, makikita ang malaking apoy at makapal na usok na bumalot sa lugar. Nagdulot din ito ng oil spill, na naging dahilan ng pansamantalang pagsasara ng Baloking Bridge upang maiwasan ang anumang disgrasya sa mga motorista na daraan dito.

Ayon sa mga awtoridad, malapit ang nasabing establisimyento sa isang gasolinahan kaya agad na nagpatupad ng mahigpit na seguridad sa lugar upang maiwasan ang mas malaking pinsala.

Nagpatupad din ang mga awtoridad ng alternatibong ruta para sa mga motorista, ngunit ibinalik din sa normal ang daloy ng trapiko kinabukasan matapos ang puspusang clearing operation.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na detalye ang mga awtoridad hinggil sa sanhi ng sunog at sa kabuuang halaga ng pinsala.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments