Tuluyan nang sinibak ng People’s Law Enforcement Board ng Quezon City (PLEB) sa serbisyo ang dating hepe ng ng Quezon City Police District Crime Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) dahil sa pagkamatay ng isang tricycle driver sa isang hit-and-run incident noong nakaraang taon.
Sa 19-pahinang desisyon, inalis ng PLEB QC si PLtCol. Mark Julio Abong sa serbisyo at pinatawan ng 60-araw na suspensiyon sina PCol. Alexander Barredo, PCpl. Joan Vicente at PSMS Jose Soriano, habang siyam na iba pang pulis ay pinawalang-sala.
Nag-ugat ang desisyon sa reklamo ng mga kapatid na babae ng tricycle driver na si Joel Laroa, na namatay sa isang hit-and-run sa Anonas St. noong Agosto 6, 2022.
Ayon sa pamilya ng biktima si Abong ang sakay ng itim na Ford Ranger pick-up na may plate number na NCG 8456 na nakabangga sa kanilang kapatid at sa halip na tulungan ay tumakas sa tulong ng ilang kapwa pulis.
Sina Barredo at Vicente ay inakusahan ng pagpayag kay Abong na tumakas at umiwas sa pananagutan, at hindi tinulungan ang duguang biktima .
Tumulong din si Soriano, ang traffic investigator na nakatalaga sa kaso, para pagtakpan ang insidente