Kasunod ng tumataas pa ring kaso ng COVID-19 sa Quezon City, nagbabala si Mayor Joy Belmonte na hindi na sila magpapakita ng pagkahabag o pag-unawa sa patuloy na hindi pagseryoso sa mga ordinansa patungkol sa minimum health protocols.
Ginawa ni Belmonte ang babala kasunod ng iniulat ni Dr. Rolly Cruz, tagapamuno ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) na ang average daily new cases sa lungsod ay nasa 149 mula Feb. 25, 2021 hanggang March 4, 2021.
Ayon kay Belmonte, ang mga violator sa hindi nagsusuot ng face masks sa pampublikong lugar ay pagmumultahin na upang maturuan ng leksyon sa paglalagay sa peligro ang buhay ng iba.
Mahigpit na ring ipatutupad ang ordinansa na nagbabawal sa lahat ng 15 years old pababa na lumabas sa bahay.
Ang sinumang lalabag dito ay pagmumultahin ng mula ₱300, ₱500 at ₱1,000 para sa first, second at third offenses.
Sa nakaraang mga buwan, ang mga violator ay iniisyuhan lang ng Ordinance Violation Receipt at binibigyan ng limang araw bago bayaran ang multa.