Pinalawig pa hanggang Hulyo 17, 2020 ang lockdown status ng Quezon City Hall of Justice.
Una nang naglabas ng joint memorandum ang mga executive judge ng Q.C. Hall of Justice upang makapagsagawa ng testing at containment na ipinatutupad sa mga empleyado at gusali nito at matiyak ang kaligtasan ng publiko kontra COVID-19.
Noong July 7, 2020 ay naglabas ng kautusan si Mayor Joy Belmonte na ilalagay sa lockdown nang pitong araw (7) ang Hall of Justice ng lungsod dahil sa pagdami ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa nasabing gusali.
Matapos ang pitong araw, pinayagan din ng Supreme Court Administrator na si Jose Maidas Marquez na palawigin pa hanggang July 17, 2020 ang ipinatutupad na lockdown sa Hall of Justice ng Quezon City.
Ngunit binilinan ni Marquez ang lahat ng court employees sa lungsod na magwork-from-home lalo na ang pagtanggap ng electronic pleadings, paglalabas ng resolution at virtual conferencing.
Tanging ang mga awtorisadong indibidwal lamang ang papayagang makapasok sa gusali ngunit kailangang sumailalim ito sa protocol na ipinatutupad ng QC Local Government Unit.