Nilinaw ng Quezon City Health Department na walang nangyaring singitan sa pila para sa vaccination ng frontliners sa Aguinaldo Elementary School taliwas sa kumalat sa social media.
Ayon kay Dra. Esperanza Arias, pinuno ng Quezon City Health Department, may hiwalay na pila para sa registration ng mga medical frontliner at ang iba pang frontliner gaya ng mga pulis.
Paliwanag ni Arias, nagkataon na nagkaproblema sa electronic registration system para sa vaccination kaya naipon ang ibang pulis sa pintuan ng registration area.
Para hindi makasagabal sa daanan, minarapat umano nilang papasukin na sila sa loob at maglaan ng isang pwesto para sa kanilang manual registration.
Ito ang nakunang tagpo ng isang nakapila sa linya ng medical frontliners.
Wala aniya silang intensyon na bigyan ng preferential treatment o palusutin sa pila ang mga pulis kundi nais lamang nilang mas mapabilis ang registration ng medical frontliners kaya inihiwalay nila ang pila ng mga pulis.
Giit ng Health Chief, ang naturang mga pulis ay mga healthworkers din at nagsisilbi bilang contact tracer, swabbers, nurse na naka-duty sa quarantine facilities.
Tumutulong din aniya sila sa pag-aalaga ng COVID patients sa isolation facilities at nakatalaga sa special concern lockdown areas.
Dahil dito, sila ay itinuturing na frontliners at lantad sa panganib ng COVID-19, pasok sila sa kategorya ng A1 ng Vaccination Priority List ng gobyerno.