QC-LGU, handa na sa SONA ni PBBM sa Lunes

Handa nang i-deploy ng Quezon City Government ang libo-libong tauhan sa ilalim ng Law and Order Cluster nito bilang preparasyon sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Lunes, July 24.

Magde-deploy ang Transport and Traffic Management Department ng nasa 800 traffic enforcers para tiyaking maayos ang daloy ng mga sasakyan sa pangunahing kalsada.

Magpapakalat naman ang Quezon City Police District (QCPD) ng 6,123 na uniformed officers habang magde-deploy naman ang Department of Public Order and Safety (DPOS) ng 375 na tauhan para asistihan ang QCPD sa pagpapanatili ng kalagayang pangkaayusan at kaligtasan sa kasagsagan ng mga kilos-protesta.


Para naman sa agarang pagkakaloob ng medical assistance, magde-deploy ang QC Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRM) ng 287 personnel mula sa kanilang Emergency Medical Services (EMS), Search and Rescue (SAR) teams.

Nangako naman ang Local Government Unit (LGU) na itataguyod ang karapatan sa pagtitipon-tipon at pamamahayag.

Itinalaga ng Quezon City Government ang isang lugar sa Commonwealth Avenue malapit sa Commission on Audit (COA) para makapagsagawa ng rally ang mga pro-administration groups habang ang mga militanteng grupo ay pinayagang makapag-rally sa Commonwealth Avenue malapit sa Tandang Sora overpass.

Facebook Comments