Iniutos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa lahat ng public learning institutions sa lungsod na paigtingin pa ang mga ipinatutupad na security measures kasunod ng nangyaring pananaksak ng isang 15-anyos na mag-aaral sa kaniyang kaklase sa Culiat High School.
Ginawa ni Belmonte ang kautusan matapos ang isang consultative meeting sa mga opisyal ng Quezon City Police District (QCPD), Social Services and Development Department (SSDD), Schools Division Office (SDO), Education Affairs Unit (EAU), Office of the Assistant City Administrator for Operations, QC Public School Teachers Association, QC Parent-Teachers Association, Northcom Security and Investigation Agency at barangay officials.
Kabilang sa security interventions na ipatutupad ay ang pagsasagawa ng random security checks sa loob ng mga paaralan.
Maglalagay rin ng karagdagang CCTV cameras sa mga istratehikong lugar sa learning institutions.
Nais din ng LGU na palakasin ang values formation programs sa mga paaralan kabilang dito ang pagkuha sa serbisyo ng dagdag na guidance counselors.
Sa antas ng barangay, iginiit ng alkalde na pondohan ang mga programa para sa mga out-of-school youth (OSY).
Karamihan kasi sa mga naitatalang kaso ng children in conflict with the law sa lungsod ay kinasasangkutan ng mga OSY.