Humiling na ang Quezon City Local Government Unit (LGU) ng puwersa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para palakasin pa ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod ng Quezon.
Ito ang pormal na hiniling ni Mayor Joy Belmonte sa kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng AFP’s Joint Task Force-National Capital Region (JTF-NCR).
Partikular na itatalaga ang mga sundalo sa mga checkpoints, mga palengke at barangays partikular ang mga nasa ilalim ng total lockdown o Extreme Enhanced Community Quarantine katuwang ang mga tauhan ng barangay at QCPD.
Problema na kasi ng pamahalaang lungsod ang mga pasaway na hindi sumusunod sa social distancing sa pampublikong lugar upang mahadlangan ang pagkalat ng virus.
Base sa pinakahuling tala ng QC Health Department, nadagdagan pa ng 15 ang namatay na COVID-19 patients na umabot na sa kabuuang bilang na 75.
Nadagdagan din ang bilang ng mga nakarekober sa sakit na abot sa 70 habang nasa 942 ang confirmed cases ng COVID-19 sa lungsod.