
Nililinaw ng Quezon City LGU na walang grupong pinagbawalan na makapagsagawa ng kilos-protesta kasabay ng selebrasyon ng ika-40 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan, kinikilala nito ang karapatan ng mga mamamayan na magsagawa ng mapayapang pagtitipon. Ang lahat ng naging hakbang ay isinagawa alinsunod sa umiiral na batas at territorial jurisdiction.
Dagdag ng QC LGU, kabilang sa mga nakapagsumite ng dokumento at nakipagkoordina sa LGU ay ang Trillion Peso March Movement, na pinamumunuan ni “Kiko” Dee, na humiling na payagan silang magsagawa ng aktibidad sa loob ng nasasakupan ng Quezon City.
Samantala, ang mga grupong nagpahayag ng planong magsagawa ng programa sa bahagi ng EDSA–Ortigas area ay inendorso sa Mandaluyong City Government at Eastern Police District, dahil ang nasabing lugar ay wala na sa hurisdiksyon ng Quezon City at ng Quezon City Police District.
Nagmungkahi rin ang lokal na pamahalaan na magkaroon ng iisang entablado para sa lahat upang mas mapadali ang kontrol sa daloy ng trapiko at kaayusan ng lugar, ngunit tinanggihan umano ito ng ilang grupo.










