Manila, Philippines – Naalarma na si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa sunod sunod na naitatalang sunog sa mga residential areas sa lungsod.
Ayon kay Belmonte, nakababahala ito lalupa at halos nagsisimula pa lamang ang taon at malalaking komunidad na ang natupok dahil sa kadalasang sanhi na faulty wiring.
Ilan sa mga sunog na naitala sa QC ay ang insidente sa Brgy. Manresa kung saan mahigit 200 pamilya ang naapektuhan at ang insidente naman sa Litex Rd., Brgy. Commonwealth ay nakapagtupok ng kabahayan ng mahigit 50 pamilya at pumatay sa pitong taong gulang na batang lalaki.
Iginiit naman ni Belmonte na malaki ang maitutulong ng isasagawang malawakang information caravan ng pamahalaang lungsod upang mabawasan ang mga insidente ng sunog dahil magiging maalam ang mga tao kung paano makakaiwas dito.