Nagpaalala ang Quezon City government sa mga kompanya hinggil sa inilabas nito na mas mahigpit na General Community Quarantine (GCQ) guidelines.
Sa inilabas na bagong guidelines, ang mga employers ay minamanduhan na isailalim ang kanilang mga empleyado sa regular health screening na isasagawa ng isang health safety officer.
Ang sinumang empleyado na makikitaan ng sintomas ng sakit ay dapat dalhin sa isolation rooms at hindi dapat pabalikin sa pinagmulang komunidad.
Bawat empleyado ay kinakailangang pasulatin ng daily diary na nagdedetalye ng kanilang close contacts sa loob at labas ng establisyemento.
Kinakailangang i-report agad kapag may mga kumpirmadong COVID-19 cases sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit.
Minamanduhan din ang mga laboratories, hospitals at mga disease reporting units na agad ipagbigay-alam sa CESU ang mga COVID-19 positive patients para sa mabilisang contact tracing.
Sinumang lalabag sa bagong guidelines ay paparusahan ng suspension o revocation ng business permits at sasampahan ng kasong kriminal.