Pinirmahan ngayon ni Mayor Joy Belmonte ang Executive Order No. 39 na naglalayong lumikha ng Technical Working Group (TWG) na direktang makikipagtulungan sa pambansang pamahalaan kaugnay ng implementasyon ng ‘Oplan Kalinga’ at mga kahalintulad na programa.
Sa ilalim ng ‘Oplan Kalinga’ program, gagamitin ang mga hotels at iba pang accommodation establishments bilang isolation at quarantine facilities para sa mga posibleng kumpirmadong COVID-19 patients.
Responsibilidad ng TWG na ayusin ang koordinasyon ng implementasyon ng programa.
Napansin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na ang mga indibidwal na minomonitor ay lumalabas ng mga hotel at bumabalik sa kanilang mga komunidad dahilan kung kaya’t nagkakaroon ng hawahan at dumarami ang nagkakasakit.
Lumitaw rin sa mga isinagawang inspection ng Local Government Unit (LGU) na ilan sa mga hotel na ito ay non-compliant sa health protocols.
Magsisilbing Vice Chair ng TWG ang Assistant City Administrator for Operations na ang pangunahing tungkulin ay inspeksyunin ang mga Quezon City hotels.
Trabaho rin ng TWG na gumawa ng arrangements para sa security, transportation, food provision at iba pang essential needs ng mga guest-patients.
Gayundin ang pinal na medical assessment at pag-iisyu ng medical certificate bago ang gagawing “discharged” sa mga hotel.