Nakikipag-ugnayan na ang Quezon City Local Government Unit (LGU) sa lokal na pamahalaan ng Maynila para sa pagsasampa ng reklamo laban sa manning agency ng lalaking Overseas Filipino Worker (OFW) na nagpositibo sa COVID-19 UK variant.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, malinaw na nilabag ng Baltic Asia Crewing Incorporated ang Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act matapos alisin sa quarantine facility ang lalaking positibo sa UK variant at ilipat sa isang apartment sa Quezon City.
Aniya, aalamin nila kung may kaukulang permit ang nasabing manning agency para makapag-operate.
Giit pa ng alkalde, kakasuhan nila ang manning agency dahil sa peligrong dinala nito sa mamamayan ng Quezon City.