QC LGU, nanawagan ng disiplina sa mga maaapektuhan ng Tandang Sora flyover closure

Umapela si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na magpakita ng disiplina sa harap ng ginagawang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lugar na maaapektuhan ng pagsasara ng Tandang Sora flyover.

Kabilang sa mga lugar na sinuyod ng MMDA ang kahabaan ng Luzon Avenue, Visayas Avenue, Tandang Sora Avenue at Congressional Avenue.

Ang mga ruta na ito ay nilinis sa alinmang obstruction upang bigyang daan ang magiging ruta ng mga sasakyan sa pagsasara ng Tandang Sora flyover at Intersection.


Nilinaw naman ni Belmonte na ang mga aalisin lamang ay ang mga iligal na nagtitinda at iligal na pumaparada sa daan.

Maaari pa rin naman aniyang ituloy ng mga tindahan ang kanilang aktibidad basta hindi sila makakasagabal sa daloy ng trapiko sa lugar.

Pinasalamatan naman ni Belmonte ang mga barangay captain sa mga apektadong barangay dahil sa kanilang pagsasagawa ng information drive sa magiging rerouting scheme.

Facebook Comments