QC LGU, nanawagan sa DPWH para sa koordinasyon ng flood control projects sa lungsod

Nanawagan ang Committee on Disaster Risk Reduction ng Quezon City Council sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan tuwing gagawa ng flood control projects.

Ginawa ni Councilor Alfred Vargas chairman ng Committee on Disaster Risk Reduction ng Quezon City Council ang pahayag matapos malubog sa baha kahapon ang lungsod bunsod ng matinding pag-ulan.

Giit ni Vargas, mas mabilis sanang humupa ang baha kung consistent ang declogging ng drainage system sa lungsod.

Giit niya, dapat ay magkaroon ng masinsinang koordinasyon at malinaw na relasyon ang DPWH at mga lokal na pamahalaan lalo na’t hindi kayang sagutin ng QC ang kabuuang pondo para sa drainage master plan.

Apela ng konsehal sa national government, maglaan ng karagdagang pondo para sa dredging ng mga ilog, tributaries, at waterways.

Samantala, nagpahayag din ang konsehal ng pagsuporta sa pagkakatalaga kay Vince Dizon bilang bagong DPWH Secretary.

Aniya, si Dizon ay maituturing na ‘excellent choice’ ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at umaasa siyang sa tulong ng bagong kalihim ay maisusulong ang pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha at iba pang public works projects sa bansa.

Facebook Comments