QC-LGU, nirerespeto ang desisyon ng Supreme Court kaugnay sa pagkakawalang-saysay ng zoning ordinance na may kaugnayan sa lupang ginamit ng Manila Seedling Bank

Iginagalang ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang desisyon ng Supreme Court kaugnay sa pagkakawalang-saysay ng zoning ordinance na ipinatupad noong 2003 na may kaugnayan sa lupang ginamit ng Manila Seedling Bank.

Sa isang statement, sinabi ng Quezon City local government unit (QC-LGU) na bagama’t wala pa silang kopya ng desisyon, nanatili itong rumirespeto sa mga tuntunin ng batas.

Sa ngayon, pag-aaralan na ng legal team ng LGU ang desisyon ng Mataas na Hukuman upang lubos na maunawaan ang mga implikasyon nito.


Tinitiyak ng LGU na ang kanilang mga lokal na patakaran at batas, nakaraan man o kasalukuyan, ay sumusunod sa wastong mga ligal na prinsipyo at nagsisilbi sa pinakamahusay na interes ng publiko.

Una nang sinabi ng Supreme Court na mali ang ginawang pagremata ng Quezon City government sa pitong ektaryang lupaing dating ginamit ng Manila Seedling Bank Foundation (Foundation) bilang plant nursery.

Sa naturang desisyon, binigyang diin ng Supreme Court na hindi puwedeng kontrahin ng isang city ordinance ang batas gaya ng Proclamation 1670.

Facebook Comments