Pinalagan ng Quezon City Local Government Unit ang rekomendasyon ng apat na mambabatas na pahintulutan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pamunuan ang COVID-19 response sa lungsod.
Sa isang statement, sinabi ng LGU na dapat ipakita ng mga mambabatas na nakabase sa siyensya at di sa layuning pulitikal ang kanilang rekomendasyon.
Ayon pa sa lokal na pamahalaan, ang Quezon City ay pang siyam mula sa labimpito sa mga lungsod sa National Capital Region (NCR) pagdating sa Average Daily Attack Rate (ADAR).
Nagtataka ang LGU dahil hindi naman isinasama sa rekomendasyon ang lungsod na pang sampu sa ADAR rate batay sa datos ng OCTA.
Duda ang LGU sa motibo ng mga mambabatas, dahil lumilitaw sa OCTA report na low risk na ang NCR sa COVID pero mistulang pinupuntriya ang Quezon City.