Nagpadala ng liham ang Quezon City Government sa Department of Health (DOH) upang hilingin ang paglalabas ng kumpletong impormasyon sa lahat ng nagpopositibo sa COVID-19.
Ito’y upang higit na mapabilis ang ginagawang contact tracing efforts sa lungsod.
Sa liham ni Quezon City Mayor Joy Belmonte kay DOH Secretary Francisco Duque III, sinabi nito na bumabagal ang contact tracing dahil nagugugol ang panahon sa pagtukoy sa tirahan ng kung sino ang may virus.
Kakapa-kapa ang frontliners dahil naghahagilap ng impormasyon sa ibang sources kabilang ang social media.
Aniya, ang DOH data noong August 3, 2020, 573 o 47% sa mga ito ay walang addresses o contact numbers, kung kaya’t idineklara ng City Epidemiological Surveillance Unit ang mga ito na unknown.
Dagdag ng lady mayor, walang silbi ang contact tracing kung walang kumpletong disclosure ng importanteng impormasyon ng pasyente.
Mayroong 700 contact tracers na pinakalat ang lungsod at may 30 sasakyan na ginagamit sa pagtunton sa mga may COVID-19.