
Tiniyak ng Quezon City LGU na handa itong makipagtulungan sa lahat ng hakbang ng binuong komisyon na mag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control project ng pamahalaan.
Ito ay para masigurong ang bawat pisong buwis ng taumbayan ay naibabalik sa kanila sa pamamagitan ng tapat at dekalidad na serbisyo.
Una nang nagpahayag ng suporta ang Quezon City LGU sa pagtalaga kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser ng binuong komisyon na mag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Ayon sa QC-LGU, malaki ang maitutulong ni Magalong sa imbestigasyon partikular sa pagbibigay linaw sa papel ng mga lokal na pamahalaan sa kalakaran sa flood control projects.
Paliwanag ng pamahalaang lungsod ng QC na matagal nang isinusulong ni Mayor Magalong ang kanyang adbokasiya para sa katotohanan at mabuting pamamahala.
Iisa rin umano ang layunin ng lahat at ito ay matiyak na ang bawat proyekto ay kapakipakinabang sa mamamayan at hindi magdudulot ng pagdurusa sa tuwing may malakas na ulan.









