Sa kabila ng mahigpit na pahayag ni Pangulong Duterte na ikukulong ang mga agitators o gustong maghasik ng galit sa puso ng mga tao sa gitna ng Enhanced Community Quarantine, gusto ng QC LGU na palayain na ang dalawamput isang miyembro ng Kadamay.
Nagparating na ng mensahe ang pamahalaang panglungsod sa QCPD na palayain ang mga Kadamay alang-alang sa humanitarian consideration.
Pero, hindi naman pinalampas ni Task Force Disiplina Action Officer Rannie Ludovica ang pag-agitate o pang-uudyok ng Kadamay.
Sabi ni Ludovica, kinumbinsi ng Kadamay ang mga residente ng Sitio San Roque na lumabas sa North Edsa dahil mamimigay daw ng tulong ang isang TV crew.
Nagulat na lamang sila na naglabas na ng mga plakard ang mga miyembro ng militanteng grupo na nagpapahayag ng umano’y kapabayaan ng QC LGU.
Itinanggi rin ng pamunuan ng Brgy. Bagong Pag-asa na walang food packs na naihahatid sa mga residente na walang hanapbuhay dahil sa Enhanced Community Quarantine.
Dokumentado umano ang lahat ng mga residente na nabigyan ng foodpacks.