Nagbabala si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa medicine hoarders at profiteers na gustong samantalahin ang kakapusan ng suplay ng ‘flu-meds’ sa iba’t ibang drugstores sa lungsod.
Ito’y kasunod ng pagtitiyak ng Department of Health (DOH) na walang shortage ng paracetamol at iba pang gamot sa gitna ng mataas na demand sa mga panlunas sa flu-like symptoms.
Sinabi ni City Legal Officer Attorney Niño Casimiro, lahat ng mapapatunayang sangkot sa hoarding ng medicines, at ibang basic necessities at prime commodities ay maaring kasuhan ng paglabag sa Section 15 ng Price Act at ng Consumer Act.
Maliban dito, maaring maparusahan ang mga ito sa ilalim ng umiiral na city ordinance.
Nakipag-ugnayan na ang city health department sa mga tagapangasiwa ng health centers at sa mga medicine supplier na mag-stock-up ng medisina para sa lagnat at ubo.
Ayon Naman Kay QCHD OIC Dr. Esperanza Anita Escano-Arias, sa kasalukuyan ay mayroong available na libreng gamot sa health centers.