QC-METC, naglabas na ng warrant of arrest sa isa sa mga pulis na nasangkot sa engkwentro ng QCPD at PDEA

Nagpalabas na ng warrant of arrest ang Quezon City Metropolitan Trial Court sa isa sa mga pulis na sangkot sa madugong engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong nakalipas na taon.

Sa isang pahinang warrant of arrest na inilabas ni Judge Ace Alagar ng Quezon City Metropolitan Trial Court (QC-METC) Branch 43, ipinag-utos nito ang pag-aresto kay Police Corporal Paul Christian Gandeza.

Ito ay kaugnay sa kasong direct assault na isinampa ng mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ) noong Lunes.


Si Gandeza ay kabilang sa mga pulis na naka-engkwentro ng mga tauhan ng PDEA sa Commonwealth Avenue sa isang drug-operation.

P36,000 ang itinakdaang piyansa ng hukuman kay Corporal Gandeza.

Samantala, patuloy na inaantabayan ang ilalabas din na warrant of arrest laban sa iba pang mga tauhan ng QCPD at PDEA na sinampahan ng kaso sa QC METC at Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) noong lunes.

Sa resolusyon ng task force on special cases, kabilang sa sinampahan ng homicide sa QC RTC ay ang mga tauhan ng PDEA na sina Khee Maricar Rodas, Jelou Santiniaman at Jefreey Baguidudol.

Mga kasong direct assault with serious physical injuries naman ang isinampa sa QC METC kina Major San Caparroso, Lt. Honey Besas, Senior Msgt. Melvin Merida at Corpoal Gandeza.

Facebook Comments