Sinibak sa serbisyo ng Quezon City People’s Law Enforcement Board (QC PLEB) ang isang pulis na sangkot sa pamamaril sa Barangay Greater Lagro, Quezon City sa gitna ng umiiral noon na election gun ban.
Sa 10-page decision, nahatulang guilty si PSMS. Chester Garchitorena ng Conduct Unbecoming of a Police Officer and Grave Misconduct.
Ayon kay Atty. Rafael Calinisan, Executive Officer ng PLEB-QC, maliban sa dismissal, tinanggalan din ng mga benepisyo at pinagbabawalan ding makahawak ng anumang posisyon sa gobyerno ang naturang police officer.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng isang Florose Buenafe matapos na magkaroon ng komprontasyon sa grupo ng naturang pulis noong February 18, 2022.
Sa gitna ng kaguluhan, nakita umano sa CCTV video si Garchitorena na bumunot ng baril sa kaniyang sling bag.
Lumitaw naman sa clarificatory hearing na si Garchitorena ang bumaril sa binti ni Buenafe.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, walang puwang ang mga abusadong pulis sa lungsod.