Sinibak sa puwesto ang isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) matapos siyang akusahan ng ‘sexual harassment’ ng isang policewoman.
Ang opisyal na may ranggong lieutenant colonel ay inalis sa kanyang puwesto bilang commander ng isang police unit sa QCPD at inilagay sa floating status habang isinasagawa ang imbestigasyon sa reklamong ‘sexual harassment’ laban sa kaniya.
Nagsampa na ng reklamo ang policewoman sa Internal Affairs Service (IAS) laban sa colonel.
Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Philippine National Police (PNP) Public Information Officer Col. Jean Fajardo nitong Biyernes na na-relieve na ang opisyal sa kanyang puwesto.
Tumanggi si Fajardo na ibunyag ang iba pang mga detalye, dahil sensitibo umano ang usapin at para na rin umano sa kahilingan ng biktima para sa privacy.