QCPD Director Nicolas Torre III, nakatakdang harapin ang mga kaso na isasampa laban sa kaniya

Nakahandang harapin ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Nicolas Torre III ang anumang kasong maaaring isampa laban sa kanya ng mga interesadong partido.

Kaugnay pa rin ito sa umano’y mistulang pag-aabogado nito sa dating pulis na nasangkot sa isang road rage incident sa Quezon City na nag-viral pa sa social media.

Naniniwala si Torre na lalabas din ang katotohanan at mapapatunayan na wala siyang pinagtatakpan na sinuman sa naturang kaso.


Kaugnay nito, inamin ni Torre na nang mapanood niya ang video ay nag-init ang kanyang ulo at siya ay nagkomento upang pasukuin ang car driver sa viral road rage incident na malaunan ay nakilalang si Wilfredo Gonzales, na isang dating pulis.

Aniya, nais niyang mahuli agad si Gonzales, kaya’t inatasan ang mga tauhan na hanapin ito.

Hindi naman aniya naging mahirap ang paghahanap kay Gonzales dahil agad itong sumuko sa kanyang tanggapan.

Nang malaman naman aniya ng media na nasa kanyang tanggapan si Gonzales ay umigting ang pagnanais ng mga ito na makapanayam siya.

Inisip umano niya na kung hindi niya ipa-interview sa media si Gonzales ay maaaring isipin na pinoproteksiyunan niya ito, kaya’t nagpasya siyang magdaos ng isang pulong balitaan.

Facebook Comments