Hindi makikialam si Quezon City Police District (QCPD) Dir. Brig. General Danilo Macerin sa imbestigasyon ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) sa reklamo ng isang taxi driver laban sa isang police official.
Sinabi ni Macerin na nasa kamay na ng PLEB ang kaso ni Police Lt. Col. Ariel Capucao, Deputy District Director for Operations ng QCPD.
Nag-ugat ang usapin nang komprontahin ni Capucao ang taxi driver na si Marlon Bacsal dahil sa pagparada ng kaniyang sasakyan malapit sa harapan ng tahanan ng police official.
Ayon kay Bacsal, sinita umano siya ni Capucao at inutusang alisin agad ang kaniyang nakaparadang taxi na nakahambalang sa harapan ng kanilang tahanan.
Pero nakiusap umano si Bacsal sa police official na aalisin niya ang kaniyang minamanehong taxi kapag natanggal na ang mga buhangin sa kaniyang dating paradahan pero hindi umano ito pinakinggan ni Capucao at sa halip ay ininsulto pa umano siya nito.
Nagulat na lamang umano ang taxi driver nang arestuhin siya ni Capucao na bagama’t walang warrant of arrest ay armado pa ito ng M16 rifles.
Sabi ni Macerin, mananatili si Capucao sa kanyang pwesto bilang District Deputy Director for Operations hangga’t walang desisyon ang PLEB sa kanyang kaso.
Binigyan naman ng PLEB si Capucao ng pitong araw upang sagutin ang reklamo laban sa kaniya ng taxi driver.