
Mas pinaigting ng Quezon City Police District (QCPD) ang paghahanap sa nawawalang bride na si Sherra De Juan, na napaulat na nawawala noong December 10.
Ayon sa QCPD, naka-maximize na ang deployment ng kanilang follow-up at intelligence operatives, na nagsasagawa ng tuloy-tuloy na beripikasyon ng mga impormasyon, mahigpit na koordinasyon sa iba’t ibang police units, at masusing validation ng mga leads mula sa iba’t ibang sources.
Binigyang-diin ni QCPD Acting District Director PCol. Randy Glenn Silvio na ganap na nakatuon ang kanilang hanay sa paglutas ng kaso.
Dagdag pa niya, ginagamit na ang lahat ng available resources ng QCPD upang tuluyang matunton ang nawawalang bride at matiyak ang kanyang kaligtasan at kapakanan.
Nanawagan naman ang QCPD sa publiko na kung may nalalaman tungkol sa kinaroroonan ng nawawalang bride o kung sino man ang kasama nito, ay agad na makipag-ugnayan sa kanila o tumawag sa E911 o QC Helpline 122.









