
Mas pinaiigting ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang kanilang operasyon laban sa mga sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Matapos na ilabas ng 5th, 6th, at 7th Division ng Sandiganbayan ang mga warrant of arrests para sa kasong Anti-Graft and Corrupt Practices, Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents, at iba pang reklamo na may kaugnayan sa kaso.
Una nang nagsagawa ng manhunt operations ang QCPD Tracker Team katuwang ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sa isang residential ares Rolling Hills, New Manila upang silbihan ng warrant ang akusadong kinilala na si alyas ‘Ngo’ pero ayon sa caretaker ay matagal nang hindi ito nakatira sa lugar.
Samantala, ipinakalat din ng QCPD ang kanilang tracker team sa mga police stations upang i-verify ang mga nakarehistrong address ng mga akusado.
Samantala, pinuntahan din ng mga operatiba ng Kamuning Police Station ang bahay ng isa pang akusado na si alyas ‘Cayco’ sa bahagi ng South Triangle ngunit ayon sa mga kaanak nito ay wala ito sa kanila at naka-on leave umano.
Habang nagtungo din ang parehong awtoridad sa dalawang address ni alyas ‘Sacar’ ngunit ayon sa kanilang mga nakausap na security personnel ay hindi na ito mahanap pa.
Napag-alaman din na iniwan na nito ang kaniyang bahay sa bahagi ng Pinyahan noong Agosto.
Samantala, nagkasa rin ng operasyon ang Talipapa Police Station kasama ang IG RIU-NCR upang silbihan ng warrant si alyas ‘Serrano’ pero ayon sa mga residente sa lugar na huli na itong nakita dalawang linggo na ang nakalilipas bago ilabas ang warrant.
Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga national agencies para sa posibleng magiging susunod na hakbang ng mga akusado, sa International Criminal Police Organization (INTERPOL) para sa posibleng pagpapalabas ng Red Notice, at sa DOJ para sa pagiisyu ng Hold Departure Order.
Habang makikipag-ugnayan din sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para rekomendasyon ng monetary reward upang mapabilis ang pag-aresto sa lahat ng akusado.









