Inihayag ngayon ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) na may lead na sila sa suspek na nagtangkang humalay sa babaeng estudyante sa loob ng University of the Philippines-Diliman Campus noong araw ng Sabado, Hulyo 1.
Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, nagsagawa na sila ng retracing sa dinaanan ng biktima mula sa Carlos P. Garcia hanggang sa mismong lugar na pinangyarihan ng insidente.
Mayroon na rin aniyang mga CCTV footage sa lugar na maaaring mapagkuhanan ng ebidensiya at nakapanayam ang mga guard na nagbabantay sa campus para matukoy ang suspek at kinumbinsi na sumuko na lamang.
Paliwanag ni Torre na posibleng nahagip sa isa sa mga CCTV footage ang suspek at maaaring pamilyar din umano ito sa lugar.
Dagdag pa ng heneral na sa kabila naman ng naturang insidente ikinokonsidera pa rin ng UP Diliman Police (UPDP) na nananatiling ligtas ang campus at isolated case lamang ang naturang insidente.
Sa panig naman ng UP Police, posibleng nakasilip ng pagkakataon ang suspek dahil noong mga oras na mangyari ang insidente mayroong event kaya’t maingay at nagsisigawan sa lugar kaya hindi masyado umanong narinig ng guard na malapit sa lugar ang paghingi ng tulong ng biktima.
Matapos naman ang insidente, pinaigting ang seguridad sa campus at nagpakalat na rin ng karagdagang personnel at checkpoints sa lugar habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon.
Una rito, isinalaysay ng biktima sa QCPD na dakong alas-11:00 ng gabi noong Sabado, naglalakad ito sa may Ylanan street patungo sana ng Commonwealth Avenue nang bigla siyang nilapitan ng suspek at tinutukan siya ng patalim saka itinulak sa madilim at makahoy na gilid lamang ng kalsada.
Ngunit sa kabutihang palad, naulinigan ng suspek na may mga taong paparating kaya dali-daling itong tumakas.