QCPD, nagpalabas ng public apology sa pamilya Gibbs sa hindi awtorisadong pagpakakalat ng video ni Ronaldo Valdez

Humingi ng paumanhin sa publiko ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamilya ng Gibbs tungkol sa insidente kung saan ang miyembro ng kanilang hanay ay kumuha ng video sa yumaong si Ronaldo Valdez.

Ayon sa QCPD, tinatanggap nila ang bigat ng maling pagpapasya ng ilan nilang mga tauhan at lubos nila itong ikinalulungkot ang naturang pangyayari.

Tinitiyak ng QCPD na agad nilang tutugunan ang pagkakasangkot ng kanilang mga tauhan at mahaharap ng kaukulang administrative charges sa kanilang ginawa kung saan kanilang iginigiit na ang naturang ugali ng ilan nilang mga tauhan ay hindi sinasalamin ng buong QCPD.


Una rito ang limang police officers na sangkot ay nahaharap sa kasong administratibo kabilang ang Neglect of Duty; Grave Irregularity in the Performance of Duty, Grave Misconduct in relation to R.A. 10173 (Data Privacy Act of 2012) at R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), Conduct Unbecoming of a Police Officer, at Grave Misconduct in relation to P.D. 1829 (Obstruction of Justice), kasama ang pagkakatanggal mula sa serbisyo ang maximum penalty.

Paliwanag pa ng QCPD na ang kasong Neglect of Duty ay isinampa na sa tatlong police officers sa ilalim ng doctrine of command responsibility.

Habang sa mga sibilyan naman na nagpapakalat ng naturang video ay mayroon namang kakaharaping paglabag sa R.A. 10173 (Data Privacy Act of 2012) at R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012)

Tiniyak naman ng QCPD na ang naturang insidente ay hindi kinukunsinti at magpatutupad sila ng mahigpit na pamamaraan upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari

Samantala, hinikayat naman ng QCPD ang pamilya Gibbs na magsampa ng kaso laban sa sangkot sa pagpapakalat ng naturang video.

Facebook Comments